Monday, July 30, 2012

Ang Dapat Mabatid ng mga Kababaihan


          ITONG kababaihan, na tinitingala noong unang panahon ng mga nabubuhay na mga mamamayan, noong hindi pa naiimbento sa mundong ito ang patriarkismo, ay nabuhay sa lubos na kasaganaan at kaginhawaaan. Kapantay niya ang bawat miyembro ng lipunan at lalung-lalo na ang mga kalalakihan, sila ay nagtatanim at naglilinang ng mga makakain, malabis ang paghihirap ng lahat ng kababaihan, kayat dahil dito'y kababaihan ang sandigan ng tanan. Bata't matanda at sampung mga lalaki ay labis na kinakalinga at pinoprotektahan ng talagang lubusan nitong mga kababaihan.

            Lumipas ang mga panahon at naiba na ang sistema ng pamumuhay. Sa pagbabago nilang haharapin na di umano, ang buhay ay aakayin sa lalong kagalingan, at lalong imumulat ang kanilang kaisipan, ang nasabing mamamayan ay nangyaring nalamuyot sa tamis ng kanilang dila sa paghibo. Gayon man, sila'y ipinailalim sa sistema na kinokontrol ng mga kalalakihan na sinasaksihan at pinapagtibay ang kanilang pinagkayarian sa pamamagitan ng mga batas na mas pabor ng lubusan sa kani-kanilang mga karera, at yao'y ipinahayag at ipinatupad nilang tanan, tanda ng tunay at lubos na pagdomina na hindi matitibag sa lipunan. Ito'y siyang tinatawag na “The Urban Revolution: Origins of Patriarchy” ng manunulat na si Gerda Lerner at ni Elise Boulding na tinatalakay ng artikulo niya sa “Women and the Agricultural Revolution.”

          Buhat nang ito'y mangyari ay bumibilang na ngayon sa dalawang libong taon mahigit na ang lahi ni Adan ay ating binubuhay sa lubos na kasaganaan; ating pinagtatamasa at binubusog, kahit abutin natin ang kasalatan at kadayukdukan. Ginugugol natin ang oras, dugo at sampu ng buhay sa paglilingkod sa kanila; kinakahamok natin sampu ng tunay na mga babae na ayaw pumayag na sa kanila ay paalipin, at gayon din naman nakipagbaka tayo sa mga babaeng palaban at mga matitigas ang ulo na nagbalak na umagaw sa kanila nitong kapangyarihan.

        Ngayon, sa lahat ng ito, ano ang sa mga ginawa nating paggugugol ang nakikitang kaginhawahang ibinigay sa ating kababaihan? Ano ang nakikita nating pagtupad sa kanilang kapangakuan na siyang naging dahilan ng ating paggugugol? Wala kundi pawang kataksilan ang ganti sa ating mga pagpapala. At ang mga pagtupad sa kanilang ipinangakong tayo ay lalong gigisingin sa kagalingan? Bagkus tayo'y binulag, inihawa tayo sa kanilang hamak na asal, pinilit na sinira ang mahal at mahusay na kagalingan ng ating pagkababae. Iminulat tayo sa isang maling kamalayan at isinadlak sa lubak ng kasamaan ang kapurihan ng ating pagkababae.

        At kung tayo'y mangahas humingi ng kahit gabahid na pantay na pagtrato, ang nagiging kasagutan ay ang tayo'y maliitin at pigilan sa pagkamit ng ating inaasam na mga mithiin, karanasan at karunungan. Ang bawat isang himutok na pumulas sa ating dibdib ay itinuturing na isang balighong paratang at karakarakang nilalapatan ng huwad na katwiran.

     Ngayon, wala nang maituturing na pagkakapantay-pantay sa ating pamayanan. Ngayon, lagi nang ginagambala ang ating pamumuhay ng umaalingawngaw na daing at pananambitan, buntong-hininga at hinagpis ng kababaihan na ulila, balo't mga magulang ng mga kababayang binulag ng mga mapanlinlang na idealismo ng patriarkismo.

        Ngayon, tayo'y malulunod na sa nagbabahang luha ng kababaihan sa ipinagkait na oportunidad ng pag-unlad, sa pagnanangis ng kababaihan na minamaliit ng lipunan, na ang bawat patak ay katulad ng isang kumukulong tingga na sumasalang sa mahapding sugat ng ating minapulang katauhan. Ngayon, lalo't lalo tayong nabibilibiran ng tanikalang nakalalait sa bawat babaeng may natatabunang kakayanan.

        Ano ang nararapat nating gawin?

       Ang araw ng katwiran na sumisikat sa Silanganan ay malinaw na itinuturo sa ating mga matang malaong nabulagan ang landas na dapat nating tunguhin. Ang liwanag niya'y tanglaw sa ating mga mata upang makita natin ang mga piring na nagsabog ng dilim na nagdulot sa kababaihan ng mga labis na kahirapan.

    Itinuturo ng katwiran na wala tayong iba pang maaantay kundi lalo't lalong panlilinlang, lalo't lalong kataksilan, lalo't lalong kaalipustaan, at lalo't lalong kaalipinan.

      Itinuturo ng katwiran na huwag nating sayangin ang panahon sa pag-asa sa ipinangakong kaginhawahan na hindi darating at hindi mangyayari.

      Itinuturo ng katwiran na tayo'y umasa sa ating sarili at huwag antayin sa iba ang ating kinabukasan.

    Itinuturo ng katwiran na tayo'y magkaisang-loob, magkaisang-isip at akala, at tayo'y magkalakas na maihanap ng lunas ang naghaharing patriarkismo sa ating lipunan.

      Panahon na ngayong dapat na lumitaw ang galing ng kababaihan.

    Panahon nang dapat nating ipakilala na tayo'y may angking kakayanan, may puri, may katalusan at pagdadamayan.

      Ngayon, panahon nang dapat simulan ang pagsisiwalat ng mga mahal at dakilang aral na magwawasak sa masinsing tabing na bumubulag sa ating kaisipan. Panahon na ngayong dapat makilala ng mga kababaihan ang kakayanan ng kanilang mga pagkababae. Araw na itong dapat kilalanin na sa bawat pagpapaubaya natin ay tumutuntong tayo at nabibingit sa malalim na hukay ng panlilinlang na sa atin ay inuumang ng mga patriarkal na idealismo.

    Kaya, O mga kababaihan! Ating idilat ang nabulag na kaisipan, at kusang igugol sa kagalingan ang ating lakas sa tunay at lubos na pag-asa na magtagumpay sa minimithing pagkakapantay-pantay ng bawat kababaihan.




A.N.:
      Ang akdang ito ay halaw sa  "Ang Dapat Mabatid ng mga Tagalog" ni Andres Bonifacio. BInago ang mga pangngalan, pang-uri at pandiwa upang makabuo ng panibagong kaisipan o paksa mula sa orihinal na akda. 

No comments:

Post a Comment